Sabado, Enero 28, 2012


“ Ang Pagkamulat ng Isipang Queer nina Flor at Deo,Mga Pangunahing Tauhan ng Dalawang Nobelang Gay ni Joey A. Arrogante, Hangga’t  Alat ang Dagat at Isang Haliging Asin”

Ni SANDRO J. REBADIO

“ Ang pagiging bakla ay habambuhay na pagkabayubay sa krus ng kalbaryo”
                                                                               -Rolando A. Bernales

Lantad sa atin ang pormang patriyarkal ng ating lipunan.At kaugnay nito ang pagturing sa kababaihan bilang mga libangan at pambahay lamang.Hindi pa ito nabubura kahit  sa  madernong panahon.Matindi ang paggalang sa mga lalake kumpara sa mga babae at mula sa paggalang na ito nag-uugat ang matinding ekspektasyon sa mga lalake na maging lalaki at magpakalalaki.Ang patriyarkal na uri ng pagtingin ay sumasalamin sa mala-pyudal na katayuan  ng ating lipunan.

      Bakla! Isang punyal ito na tumutusok sa dignidad ng isang tao partikular na sa mga kalalakihan.Kaya ito pinapapalit ng salitang ingles na gay gaya ng pagpapalit ng salitang penis para sa titi.Isang salitang tila may intensyong yumurak sa taong pinatutungkulan nito.Si Jeffrey Weeks sa kanyang Guy Hocquengham’s Homosexual Desire,ipinaliwanag niya ang problema ng homosekswalidad sa lipunan.

            “ In its endless struggle against homosexuality,society finds again that
            Condemnation seem to breed the very curse it claims to be getting rid of.
            And for a very good reason……Homosexuality is a manufactured product
            Of the normal world.”

      Sa lipunang Pilipino,sila ang tanging may kapangyarihan na gumupit ng buhok,magpaganda at magpatawa.Nangunguna sa paglinang ng sining,kultura,medya,pelikula at akademya.Sa panimula ng librong Ladlad 2: The Anthology of Philippine Gay Writing ni Prof. Neil Garcia,iniladlad niyang:
        
         “In  other words although our predecessors were assumed and 
          assumed themselves to be either male or female, it was
          only with the increased modernization of the institutions of……….
          that new generations of Filipinos were made to think they belonged
          to either a hetero- or homosexuality. And what makes this historical
          shift significant is that this new “sexual awareness” has began to lodge
          itself in the center of things as a most definitive aspect of
          personality has become, paraphrasing Foucault, the secret that we all
          share  the truth that defines, in the deepest and most fundamental sense,
          who and what we are…..”
 
      Ang dalawang nobelang ito ni Arrogante  ay isang fiksyon lamang na maaring makatutuhanan (verisimilitude) din.Bagamat nailimbag sa di parehong taon,may kaparehong lasa ang mga pamagat nito,ang kaalatan ng tubig dagat at ang asin.Ang paggamit ni Arrogante ng mga alusyong pambiblikal at relihiyon,istilong flashback ay  siyang tunay na nagpapaganda sa takbo ng istorya ng nobelang ito.

       Heto na’t ating rerebyuhin at silipin ang istorya at damdaming umiiral sa mga nobelang ito.

ISANG HALIGING ASIN(1984): Ang Kwento nina Deo at Fernan

Bida si Deo Bautista Misnomer,ang pangnahing tauhan sa nobelang ito.Kwento ito ng batang lumaki sa nayon ng Labong sa pamayanang Baybay ng rehiyong Bikol. Naulila at kinupkop ng kanyang Tiya Merced de Garcia.Nag-aral sa pagkapari sa tulong ni Padre Ovilla.Dumanas ng pagkabigo at kahirapan sa pakikipagsapalaran sa lungsod ng Maynila. Naging makahulugan ang pagpasok ni Fernan sa kanyang buhay na siyang kanyang labis na kinahihinaan ng loob sa pag-alis nito sa kanya.Pumasok siya sa US Navy ngunit nabigo rin.Sa kahuli-hulihan,dumanas ng sakit,nagpapabagot sa kanyang buhay ang karanasang di niya mawawaglit nang tuluyan tungo sa tangkang pagpakamatay.

      Ang boud na ito ay nagsasalaysay ng makasaysayan at maalamat na pagkatao ni Deo na gumamit  ng mga lugar upang tukuyin ang kanyang pinagmulan.Tulad nito.

         “ Doon sa malayong nayon.Ang nayong animo’y kahon na kinahubugang
           piitan ni  Deo.Ang Labong.Isang maliit na nayon ang Labong….”( p.212)

Pansinin din ang isa pang lugar na nagpapaliwanag sa kanyang Kwento.

         “ Sa Luneta.Sa Luneta natagpuan ni Deo ang kanyang sarili” (p.226)

       Di masusumpunagan ang pagbabalik gunita(reminiscence) sa istorya na siyang nagpapatibay sa masalimuot na buhay na tinahak ni Deo.Nariyang isinalaysay kung paano sila nagkakilala ni Nilo.

          “ Mag-aanim na taon na ring magka-pisan sina Nilo at Deo sa iisang bubong.
            Sa pasilyo ng isang sinehan sila nagkakilala…….”(p.171)

Ganito rin kasimpleng isinalaysay kung saan siya lumaki’t nagkaisip.

          “Tinangay sila pabalik.Doon sa malayong nayon.Ang animo’y kahon na
            kinahubugang piitan ni  Deo.Ang Labong……….”( p.212)

       Nariyan din ang pagbabalik-gunita niya sa lugar kung saan niya natagpuan ang kanyang sarili at si Fernan.
    
         
         “  Si Fernan ang kauna-unahang welgang naranasan ni Deo sa Lungsod.
            Welga  noon ng mga bus at dyipni……….” (p.226)

      Ilan lang ito sa mga bahaging ginugunita ni Deo ang mga nagdaang karanasan at eksena sa kanyang buhay.Sa ibang banda,malinaw na may tagapagsalaysay(omniscient narrator) na nakakaalam sa emosyon,kilos,at buhay ni Deo.Gumamit si Arrogante ng mga metapora sa paglalarawan.Tulad nito.
  
              “ Ang Luneta ay isang napakalaking bahay-ampunan…..”(p.226)

        Ipinaliwanag dito ang gamit at silbi ng Luneta sa kanya.Ipinakilala ang Luneta kay Deo bilang:

                    “ Ang Luneta ay isang kaibigan para sa kanya.”
                   “ Si Deo ay isa lamang sa mga ampon ng Luneta.”(ibid)

        Hindi naman pinahirapan ni Arrogante ang mga Mambabasa,bagkus may mga paliwanag siya sa bawat metapora.Malaki din naman ang partisipasyon ng Luneta kay Deo.Dito sila nagkakilala ng isang gay.Ngayo’y ipinakilala ko si Fernan.


Si Deo sa kanyang pakikipaglaban at pagmulat

  “ Katutuhanan  ang una’t huling hantungan ninuman.Palsipikahin man ng tao ang realidad sa pamamagitan ng pagtakas dito,hinding-hindi niya mailalayo sa sarili ang efektong sikolohikal ng pagsisinungaling.”


      Si Fernan unang ipinakilala bilang bagong kaibigan.Tulad ng mga bagong usbong ng relasyon.Sila ay nagkakilala isang gabing-sumakay ng dyipni sa panahon ng welga ng mga tsuper.Dahil sa kakapusan ng pera ni Deo sa pamasahe,napilitang bumaba ito dahil sa hiyang kanyang naramdaman sa mga panahong iyon.Ang ekspresyon ng isang pasahero na:

             “Nakangiting titingin-tingin din kay Deo ang kaharap na pasahero,
             ”Para nakakaloko ito a” sa isip niya.Para kasing natutuwa pa…..Na hindi
              siya makakauwi.” (p.229)

      Sa ganitong eksena ng pasahero,gumamit si Arrogante ng Dues ex Machina upang maging makabuluhan ang susunod na salaysay o takbo ng kwento.Tulad ng pagbaba ni Deo mula sa dyip,naramdaman niyang may sumusunod sa kanya.Siya ang lalaking kumaway at ngumiti sa kanya sa loob ng  dyipni.(p.229)
       Sa pagpapatuloy ng kwento,nagsimula na ang kanilang pag-uusap patungo sa Luneta.Habang naglalakad,sila’y nagpalitan ng pangalan.Nang sabihin ni Deon a,” Don na ko pauumaga.” Sinabayan naman ito ni Fernan ng,Sabayan na kita”Na siyang pinagtataka ni Deo sa giit ni Fernan.Tuloy-tuloy na rin ang kanilang usapan na may halong biro at tawa pa.Para silang nobyong mailalarawan ng ganito:

           
              “ Inakbayan ni Fernan ang nakahalupikpik na si Deo habang patungo ang
                dalawa sa Luneta.”(p.231)


        Sumunod ding inilarawan ang pisikal at personal na suri ni Deo kay Fernan at ang kanyang pinagmulan.Parang biografikal na pagkasalaysay mula personal hanggang pamilya.

                “Bagama’t si Fernan,sa suri ni Deo ay……..’(ibid)

         Sa puntong ito,nagkaroon ng mga hinuha at katanungan sa sarili si Deo,na kung bakit siya pa ang pinili ni Fernan na Kaibiganin.Ang katanungang,Bakit minabuti niyang sa Luneta magpaumaga kaysa malambot niyang kama makasama lamang siya.
        Ngunit ang mga katanungang ito ay nagkaroon ng mga kasagutan na ang pagkikita at pagkakilala nilang iyon ay hahantong sa isang turingang higit pa sa kaibigan.

             “ Labis-labis ang kabaitan at pag-aalalang ibinuhos ni Fernan kay Deo.
             Ang kanilang pagiging magkaibigan ay higit pa sa pagtuturingang
             magkapatid o mag-asawa.”(ibid) 

At heto ang simula ng hinalang queer ni Deo.

           “ Hinangad ni Fernan  na kamtin siya.Ngunit sa isip ni Deo ayaw na niyang
             mangyari pa ang namagitan sa kanila ni Padre Ovilla.Ayaw niya ring masira
             ang kanilang pinagsamahan.”(p.231)

       Ayon na rin sa salaysay ng omniscient narrator,napansin ni Deo na may pagnanasa o kagustuhan si Fernan sa kanya at malinaw  na nagkaroon na sila ng relasyon sa kapwa lalaki o si Deo kay Padre Ovilla.
     Patuloy ang kwentong pag-ibig nina Deo at Flor.Isinalaysay ng Omniscient narrator ang kanyang nalalaman tungkol sa kanilang relasyon.

         “ Datapwa’t masugid si Fernan.halos lahat ng libreng oras na nahahagilap
           niya ay iniuukol niyang lahat kay Deo.Pati perang sumosobra sa pang
           araw-araw niyang panggastos ay itinutustos niya sa minamahal na kaibigan,
           kung paano at nakukuha pa ring magalit ni De okay Fernan ay hindi
           maipaliwanag ng una.”(p.232)

          Sa puntong ito,siguro’y nagkaroon si Deo ng Homophobia,dahil na rin sa kalapitan ng kanilang pagkakaibigan.Ito rin ang binanggit ni Sedgwick sa panimula ng kanyang Between Men(1985):

         
                “ It is applied to such activities on “male bonding” which may,
                  as in our society be characterized by intense homophobia, fear
                  and hatred of homosexuality.”

        Kaya malinaw na habang lumalabis ang kabutihan ni Fernan lalo lamang siya’y kinaiinisan ni Deo(p.232)

       Naghamunan sila,nakuhang tanggapin ni Deo ang hamon.Nilaslas niya ang braso ni Fernan.Walang imik na umupo si Fernan sa higaan ni Deo,ngunit ginamot rin niya ang sugat nito.At ganoon kadaling natapos ang lahat sa kanila.Umaayon din si Eve Sedgwick na, “ The male bonding that sutures patriarchy is necessarily hemophilic and forms a continuum with homosexuality.”
       Sumunod din na binanggit ni Julie Rivkin at Micheal Ryan sa kanilang Introduction of Contingencies of Gender  na “More 50 than Gay Studies has demonstrated a tendency towards separatism.

                 “………..Samantalang kung tutuusin kailanman hindi lang minsan
                 hiniling ni Fernan sa kanya ang tanging hangad nito.Gusto
                lamang niyang mahalin si Deo at tulungan.Ang hindi
                nalalaman ni Fernan,kaya hindi masisisi si Deo sa kanyang
                ginawa ay ang katotuhanang unti-unti na niyang hinahanap si
                Fernan at ito’y di niya matanggap sa sarili.Naawa na
                siya sa sarili.Sinusumbatan na siya ng kanyang budhi.Naguguluhan
                na siya sa kanyang katauhan.Nasa ganito siyang kalagayan nang di-
               inaasahang magabalik si Fernan…….(p233).

       Malinaw na ang damdamin ay damdamin.Si Benjamen Disraeli ay nagsabing” Never apologize for showing feelings.When you do so,you apologize for the truth.”(Icon Magazine,2005: p.57)ika nga,ang katotohanan ay siyang magpapalaya sa atin.Si Fernan ay isang gay at si Deo ay lalaking-lalaki.Ayon sa pag-aaral,ang ratio ng kasalukuyang babae sa lalaki ay 1:5.And to make matters worse,3 out of 5 of them are gay(ibid p.56)

      Isang tradisyunal na buhay mag-asawa o partner ang isinalaysay sa isang mabilis ding pagsasalaysay.
 
          “ Sa pagkain,silang dalawa ay magkasalo.Sa pagtulog,silang
            dalawa ang magkasiping…..Tuloy sa bahay nina Fernan,hindi
            maiwasang biruin silang mag-asawa.(p.233)

      Sa pagtatapos ng kabanata,nagtapos din ang relasyon nina Fernan at Deo.Nangibang bansa si Fernan sa Amerika upang doon manirahan.

     
          “ Si Fernan,ang tanging taong nagbigay sa kanya ng halaga,ng
           pagmamahal,ng buhay…..”(p.233)

          “ Ang masakit lamang kay Deo ay ang katotohanang kung sino pa ang nagturong
           magmahal ay siya pa ang hindi nakatutupad sa itinuro.At kung kailan natutong
           magmahal ang isang tao ay saka pa nawawala ang pinag-uukulan
           nito.At sa isang….”(p.234)

         Ang damdaming ito ay pagkamulat sa isipang queer na mahalaga ang pagmamahal ng bakla.Ito ang patunay ng di -kondisyonal na pag-ibig kung ituring.Kaya masakit lang kay Deo,ang pag-alis ni Fernan.Malinaw na naging emosyonal si Deo,di niya matanggap.Ngunit sa isip niya,kailangan niyang tanggapin ito.Ang pagmamahal na natutunan niya kay Fernan at ang pagmamahal na inalay ni Fernan kay Deo ay di masukat at mababayaran o kaya’y mapapalitan o masusuklian.Parang magnet ang puso ni Deo kay Fernan.
       Sa liham ni Fernan kay Deo,sa kanyang pamamaalam(p.283),kahit sinuman ang makabasa,marahil masakit sa kalooban ang bawat titik at salita na Good bye.

               “ Loving is a part of life but not all of it.(p.283)

         Ang pamagat na Isang Haliging Asin ay isang implikasyon ng pagpapahalaga ng isang bagay na dapat arugain,mahalin at pagka-ingatan sapagkat ito’y bihira lamang,Tulad ng kwento ni Lot sa Bibliya.Iyon din ang kwento nina Deo at Fernan.Matapos siyang mamulat at natuto sa totoong mundo ng pagmamahal na minsan na niyang tinanggihan ay sa huli ay nawawala lang itong lahat.Na sa isang iglap at sa isang lingon,lahat  ay mabubura.Si Fernan,ang isang haliging asin sa nobela,nariyan siya sa lahat ng panahon,handang mag-alay ng sarili,maging buhay man ang kapalit.
       Sa kwento ng nobelang ito ay taliwas sa karaniwang imahe ng mga gay sa Pilipinas.Na madalas ang lalaki(straight) ang mang-iiwan matapos ang di-pagkaintindihan o makuha ang gusto nito.Na karaniwang seks lang ang habol ng mga bakla kapalit ng pera.Ngunit lingid sa mga karaniwang ito,may mga kwentong kakaiba sa karaniwan yaong pagmamahal ng mga bakla sa kanilang mga lalaki

        Mahalaga ang bakla sa kulturang Pilipino.

HANGGA”T ALAT ANG DAGAT(1989):Trayangulong Pag-ibig

“…….At para malaman mo,hindi ko ikinahihiya ang sarili ko!Di naming ginustong magkaganito!Ang mga katulad mong mapanakot at makitid ang isip na nakapaligid sa amin ang may gawa nito!”
                                                                                          -Flor Obligacion(p.100)

Habang nagpapatuloy  ang mabilis at mapanganib na pakikipagtunggali natin laban sa panahon,unti-unti tayong tumuklas mula sa ating mga kamay ang mga pagkakataong makilala nang lubusan ang atingsarili at ang uri ng lipunan at sektor na ating ginagalawan.
       Dahil pilit nating winawaglit sa ating isipan ang mga pasibilidad na maaring mangyari.Tunay ngang habang lumilipas ang mga taon at panahon,lalong naintidihan ng nakakarami at dahan-dahang kinukupkop ng lipunan ang mga bakla.
       Kung si Karl Marx ay may “ Evolution of Society” hinggil sa tisis at antitesis ng pagbabago ng lipunan,marahil kahalintulad na porma ng tunggalian sa loob ng sarili.Kailangang tanggapin ng isang indibidwal ang kanyang nararamdaman,ang kanyang sekswalidad dahil bago siya lumaya at matanggap ng lipunan.Kailangan  muna niyang tanggapin ang kanyang sarili.
        Ang mga bakla ang nagpapamulat tungo sa pagpili ng tunay na kahulugan ng pagmamahal.Sa nobelang ito,Hangga’t Alat ang Dagat ni Arrogante ,isang pagmulat sa katutohanang ang mga bakla ay may sariling kultura ng pag-ibig.
        Ang nobelang ito ay binubuo ng labinpitong kabanata.Di masusumpungan ang paggamit ni Arrogante ng Flashback at ang kamalayan ng kwento ay nabubuod at nagkadugtong-dugtong.Ito ay kwento ng trayangulong pag-ibig nina Flor Obligacion,anng pangunahing tauhan,Magdalena Maniago,dating madreng guro at ni Ador,isang gay.Umikot ang kwento ni Flor,bilang isang guro sa Colegio de la Santisima na todong minahal ni Alena(Magdalena).
       Anupa’t alam ni Alena na isang di-halatang bakla si Flor,nanaig pa rin ang kanyang pagkagusto at ang kahandaang pakasalan ito.Ngunit kay Flor ,matagal nang nagsasama sila ni Ador,isang gay sa iisang bubong.Batid nila na sila ay magkasundo at mahal na mahal ang isa’t isa.At upang hindi na maging balakid kay Alena si Ador.Si Ador na mismo ang nagparaya’t kusang umalis kay Flor,patungong Amerika.Di matanggap ni Flor ang paglisan ng kaibigan.Sa araw ng kasal nina Flor at Alena,di sinagot ni Flor ang kaisa-isang tanong ni Padre Viego,na naging karelasyon dati ni Alena,kung tatanggapin ba n’ya  si Alena bilang kabiyak sa buhay.Sa halip naging trahedya ang kasalan.Namatay ang mga magulang ni Alena.Habang umaasang babalikan ni Ador si Flor,hangga’t alat ang dagat.
         At ganyan ang magulong paglalarawan ng boud ng buhay pag-ibig ni Flor.Ang kwento ay nagsimula sa eksenang kasalan nina Flor at Alena.Sa katunayan,puno ang boung nobela ng paglalarawan at nakuha pang idetalye ni Arrogante ang mga ito.
     
            “Flor Obligacion…..”
             Pa-roll call ang tanong iyon ng paring banat ang buhok sa pomadang
            Brillantine pataas-padapa-palayo sa noo at mukha sa pangalan ng
            ikinasal na nakagilid naman sa kaliwa ang suklay….”( p.1)

At ganito rin ang pagmamalabis ng paglalarawan ng katahimikan.

         “Tahimik ang buong simbahan!maging ang mga rebulto ng pintaksing si
         San Francisco ay kababakasan ng pagkamangha.Katahimikang maririnig
         ang karayom na lumalagapak sa sahig…”(p.10)

         Maliban sa paglalarawang walang kupas.Nariyan din ang mga Flashback technique at pagbabalik-gunita(reminiscene)sa takbo ng istorya upang mgakaroon ng kabuluhan at katarungan ang pagdudugtong-dugtong ng mga eksena.Ang pagpiling isimula ang istorya sa pagpapakasal nina Alena at Flor at ang pagsasalaysay ng katauhan nila,buhay at pag-ibig ni Flor ay isang mabisang paraan o istilo ni Arrogante upang maiba sa kinaugalian o konbensyong istilo.Kung tutuusin,isang eksena lang ang lahat,tungkol sa kasal ngunit pinahaba ng pagbabalik-gunita.
         Gumamit din si Arrogante ng omniscient narrator bilang tagapagsalaysay ng kwento.Puno ng damdamin o kulay ang kanyang nobela.Sa panunuring ito,isentro natin kay Flor sa pananaw ng queer.
         Ang pagpapakasal ay habambuhay na pananagutan,samahan at sumpaan na ang tanging makapagpahiwalay ay ang kamatayan.Sa taong papasok sa ganitong sakremento ng mga Katoliko ay ito ay banal at dapat may kahandaan at katiyakan.Bahagi ng iskrip ng seremonya ng pari ang mga katanungang masasagutan ng oo at kung hindi ay isang malaking paliwanag ang naghihintay sa mga nakakasaksi nito.
        Tulad ni Flor,obsesyon ang naramdaman ni Alena sa kanya.Ang takot nitong tumandang dalaga na ito ay hindi pag-ibig o pagmamahal.Ipinagsigawan pa ni Flor na ang dapat magpakasal ay sila ni Padre Viego.

          “ Sila……silang dalawa ang dapat magpakasal!Sila ang matagal nang
          lihim na nag-iibigan!Ang may relasyon!...Pinamamasakbutas lang nila
          ako…..”(p.153)

        Lingid sa kaalaman, ang lahat ay naibunyag sa huling kabanata.Mabatid na ang mga pari na nagkaroon ng relasyon ay maaaring patawan ng celibacy.Ito ang dahilan kung bakit di maiiwasang kapitan ng isyu ang mga pari.At kung papaano hindi sinagot ni Flor si Alena sa kasalan bilang kabiyak.Sa dahilang,hindi niya ito mahal at naging panakip butas lamang siya na ang tunay niyang mahal ay si Ador.Nagdusa’t nangulila siya kay Ador sa pag-alis nito sa kanya.

        “Wag mo ‘kong nahawak-hawakan! Hindi kita mahal! Hindi kita kailangan!
         Wala kang kwenta sa akin! Pinakialaman mo kami ni Ador! Ginulo mo ang
         isip niya! Sinira mo ang buhay ko!(p.121)

      Ngunit masugid pa rin si Alena,sa kabila ng mga di makaing pahayag ni Flor,nakuha nya pa ring habol-habulin at pakisamahan si Flor.Iba’t ibang isyu ang tinalakay sa nobela,ang tungkol sa pareng may anak at karelasyon,ang insist sa pagitan kay Alena at Tiyo Sabas niya,pag-iibigang bakla at babae at ng gay.
       Sa ibang banda,kung susuriin ang pag-iibigan nina Flor at Ador.Sila ay nagkakilala sa isang aklatan na nauwi sa bagong pagsasamahan.Pinakabunso si ador sa magkapatid mula sa pamilyang nagsusumikap sa buhay.Naging si Ador lang ang gay sa magkapatid.
   
             “ Si Ador hindi malaman kung saan papunta ang pagkalalaki……(p.97)

Si Ador ay gay.Laban ang kanyang pamilya sa pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki.

             “Binigyan ako ni kuya ng ultimatum.Layuan daw kita(Flor).
              Kasalanan ang magsama tayong parehong lalaki.”(p.100)

Ngunit ito’y ipinaglaban ni Flor sa kuya ni Ador nang may tapang.Isang pagkamulat sa isipang queer.

           “ Ba’t di mo sabihin sa kanya ang totoo,Ador!Habang buhay mo
            na lang bang itatago ang sarili mo?At habang buhay ka
            na lang na matatakot sa kanila?Mabuting malaman nila!......(ibid)

     Sa huli,ito lang ang nasabi ni Ador.

           “ Ang hirap! Ang sakit isipin Flor! Mahal kita! Ayokong masaktan
            ka!Sukal sa loob kung iwan ka!Pero…itatakwil nila ako!....(p.101)

     Sa ganitong kalagayan ni Ador, hindi niya nagamit ang kanyang pagiging aktibo sa campus politics.Sa dahilang itatakwil siya ng pamilya at hindi niya akalaing maiipit siya nang ganito.

    Makulay ang pagsasama nina Ador at Flor.

          “ Ang sabado ang pinakataluktok na araw sa loob ng linggo na pagiging
           malapit na malapit sa isa’t isa nina Flor at Ador dahil nagkasama
           ang dalawa ng buong bente kuwarto oras” (p.83)
      
  Sa sulat ni Ador:

            “ Si Alena….Flor ‘wag mo sana itong ikagalit sa kanya,tumawag sa ‘kin…
              mahal na mahal ka raw niya,Flor!At naawa na ako sa kanya!...(p.107)

           “Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya minabuti kung lumayo na lang.
            Flor,hindi na ako babalik…..”(p.115)

       Sa sulat na ito, mabatid na ang paglayo ni Ador kay Flor para kay Alena.Ang nais lamang ni Ador ay ang pasayahin si Flor sa kanyang pag-aakalang walang magandang patutunguhan ang kanilang relasyon.Na iba ang babae,kung kaya’t nagparaya siya.
        Sa pag-alis at paglayo ni Ador kay Flor,naging desperado at nawalan ng halaga ang buhay ni Flor.Kaya sa kahuli-hulihang kabanata makikita ang damdaming paglaban.Patay kung patay.Nang dahil sa tawag ni Alena kay Ador nawala si Ador na hindi niya matanggap.Puno siya nang paghihigante.May kahandaan siyang mamatay para kay Ador at hindi kay Alena.
      
           “Si Flor ay si Flor pa rin.Mabuway man ang pagkatao sa tinggin ng mga
            normal  ay patuloy pa ring nakikibaka sa kutya at biro ng tinatawag na
            tadhana.”(p.158)

      Pinamagatang “Hangga’t Alat ang Dagat”.Ito ay patungkol sa panahon,sistema at lipunan.Ito ang panahon ng pag-usbong ng mga pelikulang may temang queer tulad ng mga pelikula ni Lino Brocka.Tulad ng mga gay,habang lumilipas ang panahon,lalong namamayani at dumadami ang mga katulad nina Ador at Flor.Nagbunyi,lumalaban sa kahinaang kanyang tinataglay.Ayon kay Michael Moon,siya’y nagmungkahi sa pag-aaral ng Queer sa litereytyur at kultura.Aniya kailangang suriin ang opresyon na nagaganap sa grupong heterosekwal at ang eksplorasyon ng mga multikultural na panulat ng mga gay sa domenanteng  heterosekswal.
       Mahaba pa ang lalakbayin bago tuluyang matanggap ng lipunan ang kulturang gay.At habang may gay, nariyan sina Flor at Ador mag-aalay,magpapatubo at magpupunla ng binhi ng kakaibang kwento ng pag-ibig.
_

Sanggunian:


Arrogante,Joey A.(2007).Hangga’t Alat Ang Dagat at Isang Haliging Asin,
                         Navotas,Metro Manila,National Bookstore.

Garcia J.Neil C. at Danton Remoto (1996) Ladlad 2: An Anthology of Philippine
                         Gay Writing,Pasig City,Manila,Anvil Publishing Inc.

Rivkin,Julie at Micheal Ryan(1998).Literary Theory: An Anthology,
                          Blackwell Publishers Inc.Masschussetts,USA.


Pasalamat: sa mga klasmeyts,sa aming propesor,Prof.Concepcion Guilot-Belza,sa PNU Library.











2 komento:

  1. Thank you now I fully understand the two stories. Now I want to read it again!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Maraming salamat po sa pagbasa ng aking rebyu.

      Burahin